
Legend:
Galing Trinoma Mall, nakumbinsi ako ng aking puso't isipang lakarin hanggang bahay. Pag dating ko ng SM North ay tumawid ako papuntang southbound dahil ginagawa ang Annex. Mabilis pala ang oras kapag nagiisip ka. Hindi ko namamalayan ang layo na ng aking nalalakad. Parang may sariling mundo ang mga paa ko na iba sa mundong pinaglalaruan ng utak ko noong mga panahong iyon.
Sino kaya katext ng baklang to sa Ministop? Ka-EB nya kaya? Ang laki ng ngiti e, haha, nagbabayad? Ate, sa sobrang kapal ng foundation mo pwede ka na maging tisa.
Nakanang. Umulan pa. Okey lang yan. Masarap magdrama pag umuulan. Wag lang ako magkakasakit, dahil wala na talaga akong seswelduhin pag umabsent pa ko. Pota.
Iskeyri ng mga factory pag wala ng mga tao. Buti na lang malawak ang sidewalk ng EDSA sa parteng 'to. Ang sarap talaga maglakad.
Hinahayaan akong makapagisip ng mga bagay na hindi ko maisip pag nakatanga lang. Sa paglalakad, parang nabibigyang buhay ng mga paa ko ang mga tagong istorya ng buhay ko. mga istoryang pilit kong isinasantabi simula pa ng mapagtanto kong hindi ito makakatulong sa naghihikahos kong puso. Takte. Ang dramang walkathon naman neto.
Lagpas na Project 7. Hindi kaya ako hulihiin ng mga pulis, akalaing lasing? Bakit naman? Dahil wala akong kasabay na naglalakad sa gilid ng EDSA habang umuulan? Kalokohan. Eh daily routine ko ang mag-inarte sa ulan pauwi ng bahay eh. Sosyal naman ako. Naka long sleeves pa. Muntanga.
Munoz na. Hahaha. Naalala ko nung kami ni Carlo ang naglakad dito nung isang linggo lang. Ang saya-saya. Dumaan pa kami ng 7-11 para bumili ng inumin. Dadaan na din kaya ako? Wag na. Ayokong tumigil.
Pagtawid ko ng Munoz overpass ng MMDA, natanaw ko na ang Royal. Napansin ko na ngayon lang ako tumingin ng diretso. Kanina pa pala ako naglalakad ng nakayuko. Kamusta naman ang stiff neck.
Ayan na yung pamatay na tulay ng mga nawawalang bangungot ng lumulutang na bangkay. D'yan din daw may nalunod na mga batang "tapon" noon e (yung mga naghahakot ng basura sa bahay-bahay) na may ilang taon na din ang nakalilipas. Bahagya akong bumagal para tingnan. Hindi ko ata kaya. Duwag si gago. Pero tumingin pa din ako. At syempre pahapyaw akong dinalaw ng kabaliwan. Pa'no nga kung suicidal ako at tumalon na ko? Ano kaya magiging headline sa mga tabloid?
(Maling akala) "BOBONG LALAKI, NADULAS SA TULAY"
(Dramatic Controversial) "POBRENG KABIT, NAGPAKAMATAY DAHIL SA PAGIBIG"
(Maging bastos lang) "LALAKI, HINALAY AT TINAPON SA ILOG"
Ang pangit. Wag na lang. Tsaka parang masakit tumama dun sa mga bakal na tubo.
Bilisan mo na lang maglakad, basang basa ka na sa ulan at pawis.
Humabol pa ang alikabok ng mga gumagawa ng marmol na lamesa. Kuya may lapida kayo?
Sige, magdrama ka pang tae ka.
Ayan Meralco na. Limang tambling na lang. Totoo nga na pag malapit ka na dun mo nararamdaman yung sakit at pagod ng dinanas mo sa paglalakbay patungo sa kung san ka man. Pag uwi ko ng bahay, diretso ko sa kwarto para iiwan yung gamit ko. Si Lolay nanood ng Singing Bee sa baba. Ayoko magpalit. Ayoko magtanggal ng kahit anong gamit na nakadikit sa katawan ko ngayon. Kahit yung balat ng mentos sa bulsa ko o yung panyong basa ng ulan, luha at pawis.
Bumaba na ko para maglakad ulit. Wala pa sila Carlo at Bang. Hindi ko kayang magtagal sa bahay ng walang kausap. Palabas na ko ng makita kong wala ng battery ang cellphone ko. Balik sa kwarto para magcharge.
Nagtext. Nagaaral. Ayoko ng guluhin pa s'ya. Withdrawal syndrome na naman. Gusto kong sumakay ng bus papunta sa malalayong lugar ng Luzon. Baguio? Mashadong malayo, may pasok pa bukas. Olonggapo? Pwede kaso lalo ko lang s'ya maaalala. Sa'n pa? Sa'n pa? Bilis takte. Nagtext na ulit. Arghhhhh. Ang hirap. Pero mas doble yung hirap n'ya. Wala akon karapatan. Sa'n? Sa lahat ng bagay. Pwera sa sarili kong damdamin. Na nung mga panahon yon ay nagsusumigaw na sa sakit.
Bawal ba? Bawal ba masaktan? Oo, hindi mo kasi maiintindihan kung hindi ko ipapaliwanag. Pero hindi mo naman kasi kailangan intindihin, hindi ko muna ipapaintindi kung ano ba ang buong pangyayari. Kailangan mo lang ako maramdaman ngayon. Parang paraan ko para may kapitan, dahil alam kong may nakaka-relate. Hanggang dun na lang yon.
Hindi ko na tinapos magcharge. 8pm na. Tinanong ni Lolay kung san ako pupunta. May meeting lang.
At ako'y naglakad ulit.
Buti na lang wala ng ulan. Ambon na lang.
Tumawid na ko ng sa kabilang lane ng EDSA.
Maputik. Ang sarap talaga maglakad. Masarap maglakad pero ang hirap ng mga iniisip ko. Naguguluhan ako. Ano pa nga bang bago?
Mas pinili ko na lang hindi magisip. Binlanko ko ang utak ko sa oras na yon.
Nakarating na ulit ako ng Munoz. Naramdaman ko ang gutom. Tumigil ako para bumili ng donut. Habang kumakain ako, napansin ko ang mga batang nasa labas ng establisyimento na nanlilimos. Bigla akong nabusog. Papalabas ng Dunkin Donuts binigay ko ang isang donut dun sa isang bata. Naglakad ulit ako.
Natatandaan kaya ako nung mga nadaanan ko kanina? Sila pa rin yung mga nasa gilid ng EDSA.
Nakarating na ko ng West Ave. Ibang iba pala ang itsura ng kalyeng ito pag hindi ka nasa loob ng taxi o kotse. At lalong lalong iba pag naglalakad ka sa gabi na may dala dalang punit na puso. Para bang ginawa talaga ang kadiliman ng kalsadang ito para sa yo, na lahat ng halakhakan ng mga nasa loob ng bar at resto ay nakatakdang inggitin ka mula sa yong pagkakalugmok sa sakit. Nagiging madrama ka. Hindi mashadong maganda sa imaheng pinoprotektahan mo sa normal na estado ng iyong buhay.
Starbucks Westlife. Marahan akong nagdahan-dahan para lang masulyapan ng panandalian ang lugar. Dito rin kami nagsasaya, kasama ng kape't tsokolateng walang sawa kaming dinadamayan. Parang naririnig ko pa nga ang tawa ni Carlo at Bang. Pero wala namang nakaupo sa pwesto namin. Tanging usok lang ng yosi ng isang grupo sa tabing lamesa ang umookyupa sa buong establisyimento.
O bilisan mo na. Naginarte ka na naman.
Ginagawa pala ang buong West Ave. na ngayon ko lang napansin. Bakit? Dahil ang hirap maglakad sa bako bakong sidewalk, dahil hindi ko naman ito namamalayan pag nakasakay ng taxi papunta sa church habang nagninilay-nilay, dahil nabulabog ang tahimik kong paglalakad.
Parang may dalawang buwan na din no'ng una ko s'yang nakilala. Tahimik din yung mundo ko no'n e. Kontrolado ko. Gano'n ako. Gusto ko hawak ko ang lahat. Pero ng dumating ka, tumigil yung mundo ko, parang lahat nagiba. Iba na 'ko. Ganon ka pa din. Kailangan ko na ulit maglakad.
Ang dilim talaga. Eh gago ka pala eh, maglakad ka ba naman ng gabi. May mga times na hindi ko na makita yung nilalakaran ko. Pwedeng dahil madilim talaga o nabubulag na ko sa pagod. Akala ko ba maraming bar dito?
Ayun, lumiwanag. Malapit na ko sa Quezon Ave. Nakikita ko na ang mga naglalakihang karatula na hinango sa mga pangalan ng diyos-diyosan ng ibang paniniwala.
Pa'no ba ulit magsalita? Pa'no ba ulit makipagusap sa tao? Halos magdadalawang oras na ata akong nakikipagusap sa sarili ko.
Huwaw! Quezon Ave. na! Kamusta naman ang mga nag gagandahang nene sa gilid ng umaatikabong kalsadang ito. Wag nyo ko tingnan, wala kayong kain saken. Tae.
San kaya sila galing?
Galing probinsya. Hindi. Tipikal. Sa tabi tabi lang to nakatira. Yung mga tipong ayaw magbanat ng buto at mas madali kasing kumita sa ganong paraan. Parang call center lang. Kaso mahirap mag english. Kailangan pakainin ang mga kapatid. Hirap sa pagbigay ng baon kay bunso pero may pambili ng Ever Bilena. Parang yung bading lang kanina sa Mini Stop. Hahaha!
Eh kamusta naman sila kuyang nakatambay sa tapat ng itim na pintong salamin.
Ano ba kasi tong pinag gagawa mo. Saktong sakto lang ang pag vibrate ng cellphone ko sa bulsa. Sila Bang at Carlo, nagtatanong asan na 'ko.
Sabi ko pauwi na.
Roosevelt Ave. Sasakay na ba 'ko ng jeep? O lalakarin ko pa din?
Pinakiramdaman ko ang mga paa ko. Masakit na ba o kaya pa? Wala akong maramdaman. Namanhid na ata. Gano'n ata talaga. Pag may parte ka ng katawan mo na ginamit mo ng paulit ulit, ng walang sawa, gusto mo man o hindi, dadating yung oras na mamamanhid to. Siguro dahil sa unti unting pagsakit nito na pilit itinatanggi ng utak mo. O ng puso. Siguro dahil din sinasabi ng utak mo na ayaw mo na lang maramdaman. Pero kailangan mo pakiramdaman paminsan minsan kung kamusta naman yung parte mo na 'yon. Sa kaso ko, di ko talaga maramdaman ang paa ko. Parang galit na s'ya sakin at nagdesisyon syang magisip para sa sarili nya, na kahit ayoko na maglakad, patuloy pa din s'ya.
Nakakatakot na. Na nang may dumaan na jeep papuntang Munoz eh agad na 'kong sumakay.
Bati na ulit kami ng paa ko sa loob ng jeep.
Nagbayad ako. At muntikan ko na mabayad yung limang daan. Ang yabang. Sweldo kasi. Bukas pulubi na naman ako.
Okay so may sumakay na cute. San ka kaya uuwi? Hahaha. Hanggang do'n na lang yun. Heart broken ako ano ba.
Nasa bahay na daw ang dalawa kong bongang bongang besprens. Huwaw. Supportive.
Sabi ko malapit na ko.
Bumaba na ko sa Munoz at kasing bilis ng tatlong apat na beses kong pagdaan dito sa araw na 'to eh ganung din ako kabilis nakasakay ng jeep pauwi sa 'min.
Ang tanga-tanga ko. HIndi na ko tumanda sa ganitong mga bagay. Pero kung iisipin ko din, may tumatanda ba sa ganito? May isang tao ba sa mundo na kayang higitan ang sigaw ng pusong nasasaktan?
Siguro merong mga malalakas na kayang magbingi-bingihan. Yun tipong hindi talaga nila papansinin yung pagwawala ng puso nila. Maraming dahilan.
Siguro merong mga kayang mag sarswela na lahat ay ayos lang. Yun tipong magpaparty, tatawa, pero manhid na sa sakit sa loob.
Siguro meron ding mga duwag. Yun tipong pipiliin na lang umalis sa sitwasyong yun. Yung hayaan na lang na gano'n. Yung hindi na lang ipaglalaban o ilabas man lang kung ano man yung nasa loob.
Siguro may mga matitindi talaga, eto yung super saian na talaga, yung mega powerful, eto yung mga malakas, mabilis at matapang harapin ang bukas kahit walang puso. Yun tipong bukas naman kasi makakaya mo din naman yan. Ano pa pinagiinarte mo? Yung ganong tipo.
Maramimg dahilan.
So madami palang gano'n sa mundo.
Tanga lang talaga ko.
Kahit ilang beses siguro mangyari to sa buhay ko, eto pa rin yung pipiliin ko. Kasi tao ako. Kasi eto yung gumuguhit ng linya sa gitna ng puso at isipan. Yung mga katangahang nagawa naten sa buhay. Tama man o mali.
May mali bang pagmamahal? Siguro may maling paraan ng pagmamahal, pero walang maling pagmamahal.
Malapit na ko bumaba.
Siguro sa mga susunod na araw, linggo, buwan o taon, pag naalala ko tong gabing to, mangingiti ako. Maiisip ko na minsan talaga tatanga tanga ako. Minsan talaga makulit ako. Masarap kasi mag-chocolate. Minsan talaga kailangan lang natin maging baliw. Kahit sandali lang. Kahit alam mong dadating yung oras na babalik ka sa katinuan, sa pag-aaral o trabaho, kailangan mo magbayad ng bills at mag grocery. Minsan lang naman.
Dahil dito tayo matututo.
Dahil ito yung mga babalikan natin pag tumanda na tayo.
Pag mas marunong na tayo sa buhay, masarap isipin yung mga nagawa natin noon.
Hindi ko alam kung ano ako sa susunod na sampung taon,
pero alam kong minsan nagmahal talaga ko.
Yung baliw kung baliw na pagmamahal.
Minsan lang naman.
Para.
Bumaba na ko ng jeep.
Naghihintay na yung mga kaibigan ko.
Naglalakad na ulit ako pauwi.


No comments:
Post a Comment