Pages

Tuesday, July 29, 2008

Adidas

Mahirap maghintay sa wala. Madalas yan ang naiisip natin. Tayong mga duwag at walang pasensyang maghintay. Sino nga naman ba ang may gustong magisa sa matagal na panahon? Ang hirap mabuhay ng magisa 'no? Maraming pusong "Oo" ang sagot. Aminin mo.

Mahirap maghintay. Lalong mas mahirap maghintay ng matagal. Pinakamahirap dito ang maghintay sa wala. Pero paano mo nga ba malalaman kung wala kang hinihintay? Kutob? Bulong ng puso? Isip? Walang paraan. Maghihintay ka talaga.

Ayoko pang magtrabaho. Hindi ako kabilang sa tumataas na bilang ng mga "unemployed". Ayoko pa lang magtrabaho para sa hapong ito. Feeling ko lunchbreak ko pa, kahit ala-una na. At dahil mahirap maghintay sa wala. Kailangan kong may gawin.

Madalas tayong dapuan ng mga kuliglig ng kalungkutan sa gabi. Kukuririin ka ng mga nakakabinging pagaalinlangan sa paghihintay mo. Paghintay sa resulta ng board, sa parating na pera, sa sagot ng nililigawan mo, sa text ng crush mong kabarkada mo, sa isusuot mo bukas... Maraming maraming pwedeng maging dahilan ng iyong paghihintay, na minsan iniisip mo kung sapilitan ba talaga ang paghihintay. Pinipilit nga ba tayo ng oras maghintay?

Kaya wala talagang kwenta yung sagot sa tanong na "Gawa mo?", "Wala", dahil lagi kang may ginagawa. At para sa 'kin, yun ay ang maghintay; sa oras. Subukan mong wag gumalaw, tumitig ka lang sa harap ng monitor mo, basahin mo lang to. Yung tuldok dun sa huling pangungusap. Yun lang titigan mo. Sige na. Go. Eto na lang tuldok sa pangungusap na 'to. Ano hinihintay mo?

Wala. Mahirap no? Maghintay sa wala? Para sa ating mga duwag at walang pasensyang maghintay, nakakabaliw talaga sa kalungkutan at pwede ka ng makabuo ng mga tulang hindi mo maiisip sa normal na estado ng pangkaraniwan mong utak. Madalas talaga tayong maduwag. Mawalan ng pasensya.

Pero may mangyayari sating mga duwag. May dadating sa 'ting sitwasyon na parang unti unti mong mapapansin na tumatapang ka. Bumibilis yung pintig ng ugat sa ilalim ng panga mo. Parang may mga labi ka sa loob ng dibdib mo na nararamdaman mong nakangiti. Hindi ka makahinga ng maayos. Hinihingal ka ba? Eh nakaupo ka lang naman. Naghihintay. Hihinga ka ng malalim. Whew.

Sa mga sandaling ito, lingid sa kaalaman mo, matibay ka na. Hindi ka na nahihirapan maghintay. Hindi ka na duwag maghintay. Dahil kahit na anong tining ng mga boses ng pagaalinlangan o kahit gano makabasag tenga ang tono ng walang kasiguraduhan, may nanatiling nakangiting puso. Parang magaan ang mga ginagawa mo. Hindi ka na duwag maghintay sa wala...

dahil walang "wala".

Kesa naman wala s'yang kainin pag gising n'ya 'di ba?

No comments: